Pandesal, Peanut Butter at Tubig

Pandesal, Peanut Butter at Tubig

Naranasan mo na bang magising isang araw at tila ba parang kahit gaano pa kalinamnam ang pagkaing nakahain sa lamesa ay wala itong dating sa tawag ng sikmura?

Ako, oo.

Paggising sa umaga, natural na hanapin ng katawan natin ang almusal. Pero iba ang pakiramdam ko kahapon ng umaga, wala akong gustong kainin. Wala akong gana kumain.

Malakas ang ulan kahapon ng umaga. Nagaaway ang kalangitan at ibinuhos ang luha sa nagdaramdam na lupa.

Hindi ko napansin ang oras at alas-9 na pala. Nagpasya na akong bumangon. Sa lamesa, may pandesal. Sa ref naman, naroon ang isang bote ng home-made peanut butter na Tita ko mismo ang gumawa. Paborito ko ang peanut butter sa pandesal. Pero kahapon, sadyang walang dating sa akin ang mainit na pandesal sa matamis na peanut butter.

Hindi rin sa lahat ng pagkakataon, madaling ipalaman ang peanut butter sa pandesal. Sa oras na kasihan ito ng lamig, mahirap na itong ikalat sa bukas na pandesal kahit gaano pa man ito kainit.

Pero kailangan kong kumain. Kailangan kong pilitin ang sarili ko. Naka-dalawang pandesal ako na may palamang peanut butter, matapos ay sinundan ng pag-inom ng isang baso ng maligamgam na tubig.

Halos ilang minuto akong nakaupo sa aming lamesa na walang ginagawa. Pinagmamasdan ang pandesal at peanut butter na hindi ko pa naliligpit. May mga bagay talaga na kahit gaano mo pa titigan at bigyan ng atensyon, sadyang hindi gagalaw, lalo na kung wala itong buhay.

Blanko. Halos wala akong maisip gawin matapos kong mag-almusal. Niligpit ko na ang pinagkainan ko. Naghilamos. Nagsipilyo. Umalis para bumili ng mga sahog sa lulutuin kong Sinigang na Bangus sa Miso.

Tamang-tama ang ulam. Maulan. Mainit ang sabaw. May sipa ng asim. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon mananatiling mainit ito. At sa oras na magpaalam ang init ng sabaw, tanging asim na lang mangingibabaw. Pero huwag mag-alala, pwede mo namang initin ulit anumang oras mo naisin.

Pagdating ng tanghalian, nakapag-luto na ko. Pero hindi ako kumain. Wala talaga akong gana. Alam kong gising ako pero lumilipad ang isip ko. Pagsapit ng hapon, tanging tubig pa rin ang karamay ko.

Sa katunayan maganda naman ang tubig sa katawan. Kung sa Physics, may mga properties ito na talaga namang nakakamangha. Pero ang tubig, parang buhay lang din tao. Hindi magandang mailagay sa matinding malamig na kondisyon at baka tumigas. Kung padadaanin naman sa matinding init, baka masyadong mag-aklas ang tubig at kalaunay maglaho at maging singaw na lang sa takure.

Wala akong panghihina na nararamdaman. Siguro dahil hindi magkatugma ang sistema ko kahapon: iba ang ikinikilos ng katawan ko sa mga dikta ng puso at isip ko.

Hapunan. Oras na para punan ng biyaya ang sikmurang tila namamalimos sa kakalsadahan ng Maynila pero nanatiling tikom ang palad ng pulubing umaga pa huling kumain.

Matatapos na ang araw at hindi ako makapaniwala na dalawang pandesal, peanut butter at tubig ang nag-salba sa akin.

Sabagay, hindi lang naman sa pandesal, peanut butter at tubig nabubuhay ang tao.

Minsan din mas masarap namnamin ang pagkaing may natural na palaman….

About these ads

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s